Ang karahasan na nakabatay sa kasarian laban sa mga kababaihang may karelasyong intimo ay madalas na isinasagawa nang unti- unti at sistematiko, may iba't ibang paraan na minsan ay paulit-ulit, may katindihan at kalubhaan sa paglipas ng panahon. Ang mga sumusunod ay ang mga pangunahing anyo ng isinagawang karahasan, na naisalarawan din sa pamamagitan ng mga salita ng ibang kababaihang nagdusa nito1.
Karahasang sikolohikal
"Kapag may mga ulat tungkol sa mga femicide (pagpatay sa mga kababaihan dahil lamang sa kanilang kasarian), bumubulong siya sa akin na ganoon din ang kahihinatnan ko at ang mga kababaihan ay dapat lamang na patayin"; "Kailangan mong laging magbihis ayon sa gusto ko, para mas maayos ka"; "Nakaka-inis ang iyong pagtawa"; "Kung gusto mo akong makasama, hindi mo kailangang makipag-usap sa iba"; "Kung wala ako, sino ang nakaka-alam kung ano ang maaari mong gawin "; "Marahas niyang winawasak ang mga bagay, nagbabanta na gagawin din niya iyon sa akin.".
Ang sikolohikal na karahasan ay nagpapahiwatig ng mga pag-uugali na nakakapinsala sa iyong pagkatao at pagpapahalaga sa sarili, sa posibilidad para sa iyong kagalingan, higit lalo kung patuloy: ang mga biro at panunukso para manghiya, mga banta, at lalo na kung may mga banta ng pisikal na pananakit, pagkontrol sa relasyon at pag-iwan, mga pang-iinsulto at pagmumura.
Karahasang pisikal
"Itinulak niya ako, ibinato ang mga bagay-bagay sa akin," "Lagi niya akong hinahatak, hinihila ang buhok ko, sinampal, sinipa at sinuntok ako; " Tinangka niya akong sakalin"; "Sinubukan niyang inisin ako gamit ang unan."
Ang pisikal na karahasan ay tumutukoy sa lahat ng mga pagsalakay na kinasasangkutan ng paggamit ng puwersa, tulad ng pagtulak, paghila sa buhok, pagsampal, pagpisil nang may puwersa, pagsuntok, pagsipa, pagbato ng mga bagay, pagsakal, pagsunog, pagsugat gamit ang mga armas. Nguni’t ang pisikal na karahasan ay nagpapahiwatig din, sa pangkalahatan, ng lahat ng mga pag-uugali na may intensyong magdulot ng pisikal na pinsala, tulad ng pagpilit o pag-udyok sa iyo na uminom ng alak at gumamit ng droga, o pagmanipula ng mga gamot o mga paggagamot na kailangan mong gawin.
Karahasang sekswal
"Pinilit niya akong makipagtalik sa paraang ayaw ko, hinihiya ako.", "Kung tatanggi ako sa pakikipagtalik, alam kong magagalit siya.", "Nang tangkain kong tumanggi, inakusahan niya na may iba ako.", "Sinasabi niya sa akin na asawa niya ako at tungkulin kong gawin ang gusto niya kapag nasa kama kami."
Ang karahasang sekswal ay tumutukoy sa anumang ipinapagawa sa iyong labag sa iyong kalooban, hindi mo alintana kung malinaw mong sinabi na ayaw mo o hindi mo ginawa ito dahil sa takot sa kung ano ang maaaring mangyari. Ang sekswal na karahasan ay ang pamimilit din sa mga hindi kanais-nais na pamamaraan, pagpapahiya at/o masakit na pagtatalik, ang obligasyon na makipanood at tuloy ipagawa ang mga pornograpikong materyal.
Karahasang pang-ekonomiya
"Wala akong karapatan sa bank account"; "Kinokontrol ang bawa’t gastusin ko"; "Hindi ko alam ang aming kalagayang pang-ekonomiya"; "Pinapirma niya ako ng mga kontrata bilang tagapanagot ng utang sa pangalan niya"; "Kailangan kong pasanin ang lahat ng gastusin ng pamilya, kung saan hindi siya nakikibahagi."
Ang karahasang pang-ekonomiya ay tumutukoy sa mga pag-uugali na maaaring magdulot para umasa ka sa usaping pang-ekonomiya o pagtakda ng mga hindi kanais-nais na responsabilidad tungkol sa ekonomiyang pampamilya: ang pagkontrol sa suweldo kung may nagtatrabaho ka o ang pagkontrol sa kita ng pamilya, na pumipigil sa iyo na gumawa ng anumang desisyon tungkol dito; pinilit kang tumigil sa trabaho o huwag maghanap ng trabaho; ang pagpilit na lagdaan ang mga dokumento o magsagawa ng mga inisyatibong pang-ekonomiya, na kung minsan ay mapanlinlang laban sa iyong kalooban.
Stalking at mga kilos na mapag-usig
"Sinusundan niya ako, kinokontrol ako, palaging pinagdududahan ang katapatan ko, lagi niya akong tinatawagan para malaman kung ano ang ginagawa ko, kung nasaan ako at sino ang kasama ko"; "Alam niya lagi kung nasaan ako, kinokontrol ang mga koneksyon ko at ang mga pakikipag-ugnayan ko sa social media."
Ang kontrol at pag-uusig ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng iba't ibang pamamaraan: patuloy na mga tawag sa telepono o pagpapadala ng mensahe, na kung hindi ka sumagot alam mo ikagagalit niya, o sa pamamagitan ng pagkontrol ng mga paggalaw at mga pinupuntahan mo. Ang pagkontrol ay maaaring isagawa nang direkta (hal., nakita mong sinusundan ka, o na nagpapakita na lang sa mga lugar kung saan inaasahan niyang naroroon ka), sa pamamagitan ng ibang tao (hal., mga kapamilya, kapitbahay, kakilala) o sa pamamagitan ng mga digital na aparato (tulad ng mga App sa pagsubaybay sa kinaroroonan mo o pagmanman sa pamamagitan ng kamerang nagmamatyag).
Karahasan na pinadali sa paggamit ng mga digital na instrumento
"Tuwing aalis ako ng bahay gusto niyang mag-usap kami sa video call, na sinasabing hindi niya ako kailanman gustong iwanan"; "pinapadalhan ng mga mensahe ang mga taong nakikipag-ugnayan sa aking mga kuwento sa social media, tinatakot sila para lumayo sa akin"; "nagsulat siya ng mga email sa aking amo para siraan ako"; "nag-aalinlangan ako na naglagay siya ng GPS system sa kotse ko, dahil lagi niyang alam ang mga lugar na napuntahan ko"; "binantaan niya akong mag-post sa social media ng mga larawang kuha mula sa aming mga pagtatalik"; "nagsimula akong makatanggap ng mga tawag sa telepono mula sa ibang mga lalaki na humihiling sa akin na makipagtalik: nalaman ko na nagpadala siya ng ilang mga larawan at ang aking numero ng telepono sa mga grupo ng WhatsApp."
Ang mga digital na instrumento at mga platapormang panlipunan ay maaaring magamit upang mapalakas at gumawa ng higit pang malaganap na mga anyo ng karahasan, tulad ng pagkontrol, pagbabanta, paghihiwalay o paglalayo, paninirang-puri.
Iba pang uri ng karahasan at diskriminasyon laban sa mga kababaihan
Ang mga babaeng nakakaranas ng karahasan na nakabatay sa kasarian sa loob ng isang relasyong intimo ay maaari ring nagkaroon ng karanasan ng iba pang mga anyo ng karahasan at diskriminasyon na nakaraan na, sa kasalukuyan, o pagkatapos ng kanilang relasyon, mula sa parehong lalaki o ibang tao. Ang molestiya at sekswal na karahasan, sapilitang pag-aasawa, pag-uusig o diskriminasyon batay sa kultura, relihiyon, nasyonalidad, kulay ng balat, pagkakakilanlan at oryentasyon sa kasarian, o pisikal na anyo o kapansanan, ay ilan lamang sa mga halimbawa.
Ang mga karanasang ito ay maaaring mahirap kaagad makita o mahirap makagawa ng paraan upang makalabas sa nasabing sitwasyon, halimbawa dahil sa takot kung ano ang maaaring isipin ng iba: "isang kahihiyan sa aking pamilya kung iiwan ko siya", "mas malaki ang kapangyarihan niya kaysa sa akin, walang maniniwala sa akin", "naka-asa ako sa kanya sa lahat ng ginagawa ko, hindi ko malalaman kung paano ang gagawin ko o kung sino ang makakatulong sa akin".
Ang iba pang mga anyo ng karahasan at diskriminasyon na maaaring pinagdusahan mo, ay maaari ring gamitin ng marahas na lalaki upang sisihin at pagbantaan ka: "palagi niyang ipinapaalala sa akin na siya ang nagligtas sa akin mula sa aking dating sitwasyon, na nagdala sa akin sa kung nasaan ako ngayon, hindi ko siya maaaring iwanan", "pinili kong pakasalan siya kahit labag sa kalooban ng aking pamilya, Hindi ako maaaring umatras"; "Tinatakot niya ako kung magsusuplong ako sa mga awtoridad o ibubunyag sa aking pamilya ang mga detalye ng aking nakaraan na magpapalayo sa kanila sa akin."
1 Dapat tandaan na ang mga paglalarawang iniulat ay may kinalaman sa mga karanasan ng kababaihan at sa sukatang panlipunan ng karahasan at ang mga paglalarawang ito ay hindi kinakailangang tumutugma sa mga uri ng krimen na nakasaad sa batas.